naroon siya. tumitirik ang mata. lumilipad.
naglalakad ako sa kahabaan ng mga kalye ng malate. galing ako sa M.H. del Pilar sa isang condominium doon. pumunta ako sa adviser namin ng research. maganda ang panahon. mainit ang araw ngunit ang hangin ay mararamdaman mo pa rin sa iyong mukha. maayos ang lahat. ang mag- asawang lagi kong nakikita na nag-aaway doon sa isang tagong eskinita ay tila tahimik ang buhay sa araw na iyon. ang mga babaeng nakaistambay sa labas ng isang bar ay hindi ko nakita. nagpapahinga siguro sila. ang mga batang paslit na naghahalungkat ng basura ay hindi pa nagkakagulo sa tirang pagkain na karaniwan ay pinag-aagawan- kahit butobutong manok galing jollibee.
nagsisimula ang kaguluhan sa malate pag gabi na. iba- ibang kulay ng ilaw ang makikita mo. maiingay ang kalye dahil sa mga tugtog galing bar at videoke ng mga lasing. kalat na ang mga koreano, hapon at kano kapag sumasapit ang gabi. mahal ko ang malate. tatlong taon na ako dito. magulo ngunit masaya. makikita mo ang night life ng maynila.
binagtas ko na ang kalye ng malavar. doon kasi ang kabilang gate ng aking unibersidad. patingin- tingin ako sa paligid. baka may bago. patawid na ako ng intersection ngunit marami pa ang mga sasakyan. tumabi ako, lumingon- lingon. naroon siya. tumitirik ang mata. lumilipad- isang bata sa nakaparadang pedicab. may hawak na plastik na may rugby. nasaan na kaya siya? siguro masasarap na pagkain ang nasa isip niya. siguro isang malaking mansyon kung saan siya at ang kanyang pamilya ay masayang naninirahan. siguro mararangyang mga damit. siguro lumilipad na siya sa kanyang mga pangarap.
marami ang adik sa rugby sa malate. bata, matanda, babae o lalaki. madalas may makikita ka sa daan na umaamoy mula sa isang supot ng kemikal na makakapagpalipad sa iyo. alam ko kung bakit. wala silang pera pangkain. gutom, hirap at kalungkutan ay binabawi nila doon. pag high ka sa rugby, wala kang iniisip. parang lahat ay abot mo. lumilipad ka lang.
sana ay malunasan sila. sana ay huwag pabayaan ng kung sino man ang may responsibilidad na tuluyang lumiit ang mga utak ng mga taong ito sa kakahithit ng rugby. wala doon ang buhay nila. wala...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment